-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na kanilang sinisilip na rin sa kasalukuyan ang ilang mga flood control projects sa lungsod ng Taguig. 

Sa isang panayam, sinabi mismo ng direktor ng kawanihan na si Atty. Melvin Matibag na kanila nang iniimbestigahan ang patungkol dito. 

Aniya’y noong 2022 ay mayroon umanong 11 proyekto sa lungsod si Senador Alan Peter Cayetano na sinasabing may iregularidad. 

May koneksyon daw ito sa pinangalanan TOP 15 Contractors nakakuha ng flood control projects aabot. 

Depensa naman ni Dir. Matibag para sa mga magkukwestyon sa ‘timing’ ng imbestigasyon, giit niya’y una na itong nasabi ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson. 

Magugunitang ang naturang senador ang nagsiwalat ng alegasyon kasunod nang akusahan ni Sen. Alan Cayetano na dumoble ang kaniyang ‘net worth’ ayon sa Statement of Assets, Liabilities and Networth noong 2025. 

Subalit pinabulaanan lamang ng senador ang umano’y ghost flood control projects sa Taguig City at hinamon ito na huwag lamang tutukan ang naturang lungsod kundi imbestigahan maging ang iba pa.