Binigyang diin ng National Bureau of Investigation na hindi isang biro ang ginawang panlalait ng isang ‘podcast’ sa anak ng aktres na si Kris Aquino.
Naniniwala si NBI Director Atty. Melvin Matibag na ang ginawang tampulan ng pangunguya ng host ng podcast kay Josh Aquino ay hindi maituturing simpleng katatawanan lamang.
Bagama’t binura na aniya sa ‘online’ ang kontrobersyal na ‘episode’ ng Machong Chismisan, kanyang iginiit pa rin na ito ay masasabing pag-atake sa dignidad ng may kapansanan.
Kaya’t bilang ahensya na nagpapatupad ng batas o ‘law enforcement agency’, makakaasa umano na kasama sa kanilang tungkulin ang pangalagaan at protektahan ang dignidad ng mga ito.
Habang kanya naman ipinaalala ang batas kung saan ipinagbabawal ang pangungutya at paninirang puri laban sa mga taong may kapansan.
May kaakibat aniya itong kaukulang multa at pagkakakulong kaya’t naglabas na rin ang NBI ng ‘subpoena’ upang ipatawag ang mga sangkot o hosts ng podcast.
Partikular na pinadalhan ng ‘subpoena’ ay si ‘Tito P’ o Tito Patrioto, Makoy Pare, Daniel Lawrence Vivar, RJ Carbonell, at John Paulo Mojica.
Ngunit bukod tanging si Daniel Vivar lamang ang siyang personal na nagtungo at nagpakita sa NBI kasama ang kanyang abogado.
Maliban sa mga ito, plano ding ipatawag ng kawanihan ang iba pang mga indibidwal na nasa likod ng Machong Chismisan podcast upang magbahagi ng kanila ding nalalaman.
















