Kinumpirma ng Nigeria ang isang kaso ng Ebola virus disease sa kabisera nitong Abuja, matapos makumpirma sa laboratory tests ang presensya ng virus sa isang babaeng pasyente na may kamakailang travel history sa Uganda.
Ayon kay Nigerian Health Minister Muhammad Ali Pate, kasalukuyang naka-isolate ang pasyente at tumatanggap ng kinakailangang medical care habang isinasagawa ng mga awtoridad ang mga hakbang upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit.
Sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong Oktubre 20, nagsimulang makaranas ng mga sintomas ang pasyente noong Oktubre 7, apat na araw matapos siyang dumating sa Nigeria. Nagpunta siya sa isang pribadong pasilidad pangkalusugan sa Abuja noong Oktubre 11, bago nakumpirma ang impeksiyon sa laboratory testing noong Oktubre 20.
Kinumpirma ng mga awtoridad na 44 na katao na posibleng nakasalamuha ng pasyente ang natukoy na sa isinagawang contact tracing. Patuloy silang minomonitor upang matukoy kung mayroon pang ibang indibidwal na posibleng nalantad sa virus.
Kabilang sa mga tinutukoy at sinusubaybayan ng mga health authorities ang mga healthcare worker, iba pang pasyente, tagapag-alaga at mga taong posibleng nakasalamuha niya sa kaniyang paglalakbay.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng pinagmulan ng impeksiyon at mabuo ang kumpletong travel at exposure history ng pasyente.
Ang Ebola ay isang malubha at potensyal na nakamamatay na sakit na dulot ng Ebola virus. Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang lagnat, matinding panghihina, pananakit ng ulo at katawan, pagsusuka at pagtatae. Sa ilang kaso, maaari ring magkaroon ng pagdurugo.
Naipapasa ang virus sa pamamagitan ng direktang paghawak sa dugo o iba pang body fluids ng taong may impeksiyon, gayundin sa mga kontaminadong bagay. Maaari ring mahawa ang isang tao sa pamamagitan ng direktang paghawak sa katawan ng namatay na biktima ng Ebola.














