Binatikos ni Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairman Senator Erwin Tulfo ang umano’y diskriminasyon at pambubully kay Josh Aquino, ang anak ng Aktres na si Kris Aquino, kaugnay ng mga pahayag na lumitaw tungkol sa kaniya sa isang podcast channel.
Binigyang-diin ng senador na hindi dapat gawing katatawanan ang kapansanan ng isang tao, lalo na kung nagiging dahilan ito upang maliitin ang kaniyang pagkatao at dignidad.
Ayon kay Tulfo, hindi katanggap-tanggap na gamitin ang kondisyon o kapansanan ng isang indibidwal upang siya ay kutyain o pagtawanan.
Sinabi rin ng senador na kung nakararanas ng ganitong uri ng diskriminasyon ang isang PWD na mula sa kilalang pamilya, dapat ding pagtuunan umano ng pansin ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipinong may kapansanan na maaaring mas madalas makaranas ng pangungutya sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Dahil dito, inihayag ng Senador ang kanyang planong, maghain sa mga susunod na araw o linggo ng panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksiyon laban sa pambubully at diskriminasyon sa mga persons with disabilities o PWDs, senior citizens, at Indigenous Peoples o IPs.
Kabilang sa mga isinusulong na probisyon ang pagpapataw ng kaukulang parusa, kabilang ang pagkakakulong, sa mga mapatutunayang nang-bully sa mga kabilang sa mga nasabing sektor, sa salita man o sa gawa
Layunin ng panukala na palakasin ang proteksiyon sa mga sektor na maaaring maging biktima ng pang-aabuso, pangmamaliit at diskriminasyon dahil sa kanilang kalagayan o pagkakakilanlan.














