Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga nurse at ang pagpapalakas ng health sector sa buong bansa.
Sa kaniyang talumpati sa Philippine Nurses Association (PNA) National Annual Convention 2026 sa Pasay City nitong Oktubre 19, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga nurse sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ang pagpapabuti sa nurse-to-patient ratio, pagpuno sa mga bakanteng posisyon, at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa pagsasanay at professional development.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Marcos ang pagtaas ng pondo para sa Health Emergency Allowance na umabot sa mahigit P110 bilyon ngayong 2026 mula sa P6.8 bilyon noong 2022 para sa mga health worker sa pampubliko at pribadong sektor.
Kabilang pa sa mga hakbang ng gobyerno ang pagbibigay ng trabaho at tulong sa pagrerepaso para sa mga nursing graduate na kukuha ng licensure examination, pati na rin ang pagpapalawak ng mga paaralang nag-aalok ng kursong nursing. (With Reports From Bombo Analy Soberano)













