-- Advertisements --

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang pamamahagi ng bigas sa Roxas City, Capiz para sa mga magsasaka at mahihinang sektor bilang bahagi ng tuloy-tuloy na programa ng administrasyon upang matulungan ang mga komunidad sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pagkain at langis.

Sa aktibidad na ginanap sa covered gym ng Barangay Milibili, 500 benepisyaryo ang tumanggap ng tig-10 kilo ng bigas.

Sa bilang na ito, 300 ay mga magsasaka mula sa Barangays Bolo, Bato, Bago, at Milibili, habang 200 naman ay mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga persons with disabilities (PWDs) at mga solo parents.

Kasama ng Pangulo si First Lady Louise Araneta-Marcos sa naturang distribusyon.

Ayon sa Chief Executive, ang inisyatibong ito ay alinsunod sa kanyang direktiba sa mga lokal na pamahalaan na gamitin nang lubos ang kanilang Local Government Support Fund (LGSF) at maaaring ilaan nang buo para sa pamamahagi ng bigas sa kanilang nasasakupan.

Matatandaang nagsimula ang rice distribution program sa Maynila at nakatakdang isagawa nang anim na beses ngayong taon.

Kamakailan, inanunsyo rin ng Pangulo sa Batangas ang plano na dagdagan ang pondo para sa LGSF, basta’t masiguro ng mga lokal na opisyal na ito ay magagamit nang maayos at epektibo.

Ipinapakita ng pamamahagi ng bigas ang matibay na ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga hamong pang-ekonomiya, at sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga komunidad.