Pinadalhan ng subpoena ng House Committee on Justice si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Batay sa kautusan ng komite, hinihingi nila ang certified copies ng records, dokumento, at mga larawan na nakalap ng NBI kaugnay ng naturang imbestigasyon.
Layunin ng Justice Committee na matukoy ang resulta at ebidensiya ng isinagawang pagsisiyasat ng NBI upang masuri kung may sapat na batayan ang mga alegasyon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo, kung saan tinutukoy ng Kamara kung may sapat na basehan upang dalhin ang kaso sa plenaryo at kalaunan ay iakyat sa Senado para sa mas mataas na deliberasyon.
Kahapon ay hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling na TRO ng kampo ni Vp Duterte ukol sa impeachment proceedings ng Kamara.
Nangangahulugan ito na walang hadlang para ituloy ang pagdinig sa susunod na linggo.
















