Nagsagawa na ng kanilang mga huling miting de avance ang mga pangunahing pinuno ng partido sa Spain bago ang halalan ngayong Linggo, kung saan iginiit ni Socialist Prime Minister Pedro Sánchez na kumpiyansa siyang mananalo sa kabila ng mga survey at inakusahan ang karibal na si Alberto Núñez Feijóo ng pakikipag-alyansa sa far-right.
Sa kabilang banda, nanguna nang bahagya sa mga poll ang konserbatibong People’s Party (PP) ni Feijóo na nagtungo sa Barcelona at Seville upang mangako ng bagong panahon ng “katotohanan, disente, at mabuting pamamahala,” kasabay ng pagbatikos kay Sánchez sa mga isyu ng katiwalian, imigrasyon, at pambansang utang.
Kung magtatagumpay si Feijóo na makabuo ng pamahalaan, inaasahang kakailanganin niya ang suporta ng anti-immigration party na Vox ni Santiago Abascal, na nagsagawa ng malaking rally sa Valencia na humihiling ng mahigpit na polisiya sa imigrasyon at “national priority” para sa mga mamamayang Espanyol.
Bago ang huling araw ng kampanya, nagkaroon ng mainitang four-way debate na nagpakita ng matinding pagkakahati sa politika ng bansa, partikular sa solusyon sa housing crisis at sa palitan ng akusasyon ng sexism sa pagitan nina Feijóo, Sánchez, at ng left-wing ally nitong si Ada Colau ng Frente Amplio.
Tinatayang halos 39 milyong botante ang boboto sa Spain sa isang inaasahang dikit na laban na maaaring magtakda kung mananatili sa kaliwa o lilipat na sa kanan ang pamumuno ng isa sa pinakamalalaking ekonomiya sa Europa.














