-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na inaresto ang anim na katao sa inilunsad na rally sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 27.

Ayon sa PNP chief, mga menor de edad umano ang mga inaresto, na nakasuot ng “balaclava.”

Ipinaliwanag naman ni Quezon City Police District director BGen. Randy Glenn Silvio na inaresto ang mga ito dahil sa bandalismo.

Nagbabala naman ang PNP sa mga grupo at mga indibidwal na magtatangkang gumawa ng karahasan o iba pang iligal na gawain kaugnay ng taunang ulat sa bayan ng pangulo.

Pinaalalahanan din ng mga otoridad ang mga raliyista na panatilihin ang kaayusan at sumunod sa mga kondisyon sa kanilang permits sa pagsasagawa ng kilos-protesta.