-- Advertisements --

Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang inagurasyon ng apat na palapag na College of Law (COL) Building I ng West Visayas State University (WVSU) sa La Paz, Lungsod ng Iloilo.

Kasama ng mag-asawang Marcos sa seremonya sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at mga opisyal ng unibersidad.

Ang proyektong ito ay isang inisyatiba ng First Lady, na nagsilbing propesor ng mga nagsipagtapos matapos siyang sumali sa faculty ng College of Law noong 2022. Ito na rin ang pang-apat at huling taon ng First Lady sa pagtuturo sa naturang unibersidad.

Kasabay ng inagurasyon, siniyasat ng Pangulo at ng Unang Ginang ang Moot Court at Mini Auditorium na nasa ikaapat na palapag ng gusali, ang mga silid-aralan sa ikalawang palapag, at ang mga pasilidad sa unang palapag.

Nagsilbi rin bilang commencement speaker si Pangulong Marcos at nasaksihan niya ang paggawad ng academic hood at mga diploma sa mga nagsipagtapos sa ikatlong commencement exercises ng College of Law.

Ipinaalala niya sa mga nagtapos na ang tagumpay sa propesyong legal ay hindi lamang nasusukat sa mga nakamit na tagumpay, kundi pati na rin sa tiwalang kanilang napapangalagaan, sa pagiging makatarungan na kanilang itinataguyod, at sa integridad na kanilang ipinapakita sa kanilang karera.

Hinimok din ng Pangulo ang mga nagtapos na manatiling matatag sa mga prinsipyong nag-udyok sa kanila na tahakin ang larangan ng batas.

Aniya, kung nakabatay sa integridad, katarungan, at katotohanan ang kanilang mga gawain, malalampasan nila ang mga hamon ng propesyon habang naglilingkod nang may dangal at layunin.