-- Advertisements --

Inaprubahan na ng pambansang pamahalaan ang P4 bilyong pondo na ilalaan para sa rehabilitasyon ng imprastraktura sa lalawigan ng Cebu na napinsala noong huling bahagi ng 2025 dahil sa lindol at bagyong tumama sa probinsya.

Ito ang inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kahapon sa kanyang muling pagbisita sa Cebu upang inspeksyunin ang ilang proyekto sa imprastraktura, partikular sa Lungsod ng Talisay.

Ayon kay Sec. Dizon, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P4 bilyong pondo upang muling maitayo ang mga nasirang imprastraktura kabilang ang mga gusali, paaralan, flood control projects, at mga tulay.

Kasama rin sa pondo ang isang feasibility study para sa Mananga river sa Lungsod ng Talisay, na inaasahang maipatupad bago ang tag-ulan upang maiwasan ang abala sa trabaho at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Ito ay hindi lamang kaugnay sa direktiba mula mismo sa Pangulo, kundi para masiguro rin ang pangangalaga sa buhay ng mga residente, lalo na yaong malapit sa bukana ng Mananga river.