-- Advertisements --

Kinontra ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na walang ghost projects sa Taguig City .

Kung babalikan ang naunang pagdinig ng Senate Finance Committee para sa 2027 proposed budget ng ahensiya, tinanong ni Sen. Alan Peter Cayetano si Dizon kung mayroong ghost project sa Taguig.

Sagot ni Dizon, batay sa mga pagsusuri ng DPWH at sa kasalukuyang record ng ahensiya, walang nakalistang ghost project sa naturang syudad.

Ngunit ayon kay Sen. Lacson, taliwas ito sa mga site inspection report mula mismo sa naturang ahensiya.

Pangunahin dito ang hindi pag-match ng reports na isinumite mismo ng mga personnel mula sa DPWH Bureau of Maintenance, Quality and Safety, Construction, and Research and Standards.

Binalikan ng batikang senador ang nilalaman ng inspection reports na nagpapakitang ilang flood control projects sa Taguig ay dati nang naideklara bilang kumpleto ngunit hindi nila ma-validate ang mga ito, base sa nakalagay na lokasyon.

Giit ni Sen. Lacson, akma lamang na maimbestigahan ang mga naunang impormasyon na inilabas ng DPWH ukol sa mga public infra project sa naturang lungsod.