Pinalakpakan ang pahayag na binitiwan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng patuloy na pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas sa loob ng ating exclusive economic zone.
Kaugnay ito ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos, kasabay ng pagtindig niya sa 2016 Arbitral Award.
Ito ay matapos lumabas ang AI-generated content ng Chinese media na inihahalintulad ang mga Pilipino sa unggoy, bagay na mariing tinuligsa ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Marcos na hindi magpapasisiil ang Pilipinas sa anumang uri ng pang-aalipusta o pananakop.
“Let me remind our friends and our detractors: Filipinos are a noble, kind, gracious, and great race. We are not greedy. We are not racists. We are not liars. We are respectful, and we are dignified. We are Filipinos, and we do not yield,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa niya, ang paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea ay hindi lamang usapin ng teritoryo kundi ng dangal at soberanya ng sambayanang Pilipino.
Sa kabila ng mga insulto at panggigipit, tiniyak ni Marcos na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol ng karapatan nito sa sariling karagatan.
















