Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng patuloy na krisis sa langis.
Sa kanyang pagbisita sa La Trinidad Vegetable Trading Post, napag-alaman ng Pangulo na ilang magsasaka at trader ang napipilitang hindi muna ibaba ang kanilang mga gulay dahil sa mataas na presyo ng diesel na ginagamit sa transportasyon.
Bilang tugon, ipinatupad ng pamahalaan ang pagbibigay ng Php 10 kada litro na diskwento sa diesel para sa mga apektadong sektor.
Pansamantala ring inalis ang ilang bayarin ng mga lokal na pamahalaan at toll fees para sa mga truck na nagdadala ng agricultural products upang mapababa ang gastos sa transportasyon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng gobyerno na layong tiyakin ang food security, na matagal nang itinuturing na pangunahing prayoridad ng administrasyon.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, mahigit 60 porsyento ng suplay ng gulay sa Metro Manila ay nagmumula sa Benguet at Cordillera, kaya’t kritikal ang pagpapanatili ng tuloy-tuloy na daloy ng produkto mula sa mga rehiyong ito.
Sa kabila ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis, iginiit ni Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapanatili ang abot-kayang presyo ng pagkain at maiwasan ang kakulangan sa merkado.















