-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagtaas na ng alerto ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Operations Center dahil sa inaasahang pagdami ng deboto at bisita sa dalawang malalaking religious at cultural festivals ngayong Enero sa Western Visayas.

Itinaas ang Blue Alert status sa operations center ng RDRRMC noong Martes, Enero 13 at magtatagal hanggang Enero 19, 2026 para sa selebrasyon ng Ati-atihan Festival at sa Enero 23 hanggang 26 para naman sa Dinagyang sa Iloilo.

Layunin ng nasabing hakbang na palakasin ang koordinasyon, tuloy-tuloy na monitoring at mabilis na pagtugon sa anumang emergency na maaaring mangyari bago, habang isinasagawa, at matapos ang Ati-atihan Festival at Dinagyang Festival sa Iloilo City na kapwa dinarayo ng maraming lokal at dayuhang turista.

Kaugnay nito, sinabi ni Terrence June Toriano, head ng MDRRMO-Kalibo na dumating na ang augmentation mula sa PDRRMO ng Capiz, Antique at Iloilo na magiging katulong nila sa mga response operation at monitoring sa mga posibleng insidenteng may kaugnayan sa movement ng crowd, kaligtasan ng publiko, mga health concerns at mga kaguluhang maaring mangyari.