-- Advertisements --

Nagbabala ang Embahada ng Amerika na nasa Pilipinas sa US citizens na mag-ingat laban sa mga posibleng ilunsad na kilos-protesta at demonstrasyon sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa inilabas na abiso ng US Embassy, pinapayuhan nito ang lahat ng American nationals sa buong mundo na maging mapagmatiyag, manatiling alerto, at pairalin ang good personal security measures.

Ayon sa embahada, maaaring mangyari ang mga demonastrasyon sa Pilipinas kabilang na sa bisinidad ng US Embassy.

Nagpaalala rin ang embahada na ang pagsali sa mga protesta ng foreign nationals ay maikokonsiderang paglabag sa immigration status.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga American national na mag-ingat lalo na kapag nasa bisinidad ng malalaking pagtitipon, maging sa mga mapayapang rallies o demonstrasyon na posibleng mauwi sa bayolenteng protesta nang walang warning at sundin ang instructions mula sa mga lokal na awtoridad.

Hinikayat din ng US embassy ang American citizens na mag-enroll sa Smart Traveler Enrollment Program para makatanggap ng mga alerto at mas madaling matunton sakaling magkaroon ng emergency.