Sinita ng pulisya ang isinasagawang kilos-protesta ng mga taga-suporta ni Senador Ronald dela Rosa nitong umaga ng Martes, Mayo 12 dahil sa kawalan ng permit.
Gayunman, iginiit ng mga taga-suporta ni dela Rosa na may karapatan silang magpahayag ng kanilang hinanaing at magsagawa ng protesta.
Ayon sa kanila, sumusunod naman sila sa mga ipinatutupad na panuntunan ng pulisya at nanindigang hindi sila aalis sa lugar.
Kasalukuyan ngang nasa labas ng Senado ang mga taga-suporta ng Senador na nagmula pa umano sa iba’t ibang mga
lugar. Dagdag pa rito, may inaasahan pang darating na mga grupo upang magprotesta at magpakita ng suporta sa senador.
Samantala, nakahanda naman ang pwersa ng pulisya para sa inaasahang pagdagsa pa ng mga taga-suporta ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ngayong araw.
Bantay-sarado rin ng mga tauhan ng Southern Police District ang entrada ng Senate building para magbigay ng seguridad.
Kasalukuyan ngang nasa loob ng Senado si Dela Rosa matapos pagkalooban ng Mataas na Kapulungan ng protective custody kasunod ng tangkang pagsisilbi sa kaniya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kahapon, Mayo 11.















