-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas ngayong Huwebes, Agosto 13, na pinondohan ng U.S. ang bagong maritime monitoring center sa Palawan na mangongolekta ng real-time reports mula sa mga mangingisdang Pilipino hinggil sa iligal na pangingisda at kahina-hinalang galaw ng mga barko.

Binuksan ang pasilidad o Community Illegal, Unreported and Unregulated Fishing Reporting Center noong Hulyo 30 sa pakikipagtulungan sa Palawan Council for Sustainable Development.

Ayon sa US embassy, ang pasilidad ay equip ng Stralink satellite internet at EarthRanger data software. Kokolektahin dito ang real-time reports mula sa mga lokal na mangingisda hinggil sa kahina-hinalang iligal na pangingisda, aktibidad ng barko at iba pang iligal na aktibidad saka ito ipapadala sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Maritime Center at Provincial Government ng Palawan.

Pinamamahalaan ang naturang center sa ilalim ng Fish Right program na nakatuon na ngayon sa maritime domain awareness at pagpapataas ng estratehikong presensiya ng Amerika sa masaganang yamang-dagat ng West Philippine Sea.

Ayon kay US embassy officer Taylor Fincher, isang mahalagang “area of cooperation” sa pagitan ng US at Pilipinas ang pagtugon sa iligal na pangingisda at kaugnay na maritime concerns.