-- Advertisements --

Kinumpirma ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na ligtas nang nabawi ang dalawang dating household staff members ng Bise Presidente sa tulong ng kanyang legal team at ng pulisya kahapon, Nobyembre 17, 2026.

Batay sa salaysay ng dalawang dating tauhan na inilabas ni Panelo ngayong Miyerkules, Nobyembre 18, ni-recruit umano sila ng isang pribadong indibidwal noong Oktubre 2026 upang magtrabaho sa isang resort sa Boracay ngunit dinala sa Maynila sa dahilang sasailalim sila sa pagsasanay.

Pagsapit ng Nobyembre 16, sinabihan umano sila ng kanilang employer na may banta sa kanilang buhay at maging sa buhay nito dahil sa pagkupkop sa kanila, kasabay ng giit na mawawala lamang ang banta kung lalagda sila sa mga inihandang affidavit na naglalaman umano ng mga maling paratang laban kay Duterte.

Tinanggihan umano ng dalawa na pirmahan ang mga nasabing dokumento, at bagama’t nilinaw na hindi sila ikinulong, nanatili sila sa kustodiya ng employer dahil sa takot hanggang sa humingi na sila ng saklolo sa Bise Presidente.

Agad namang sinundo ng legal team at mga pulis ang dalawa kahapon at dinala sa himpilan ng pulisya upang magsagawa ng sinumpaang salaysay at magpa-police blotter.

Ayon sa kampo ng Bise Presidente, napigilan ang umano’y plano na gamitin ang dalawa para sa huwad na testimonya, habang tumanggi muna silang magbigay ng karagdagang detalye upang matiyak ang kaligtasan ng mga sangkot.