Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbubukas ng panibagong batch ng financial assistance para sa overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng krisis sa Middle East, partikular sa Dubai at Northern Emirates.
Ayon sa DMW, muling binuksan ang aplikasyon para sa one-time financial aid nitong Biyernes, kung saan 1,000 slots ang agad napuno. Gayunpaman, tiniyak ng ahensya na magbubukas muli ng panibagong slots sa Martes, alas-8 ng umaga.
Ipinaliwanag ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai na ilalabas ang aplikasyon sa apat na batch tuwing Martes at Biyernes sa loob ng dalawang linggo upang maging mas maayos at accessible ang proseso.
Para makapag-apply, kailangang lamang ang mga sumusunod:
- Request for Assistance (RFA) form
- Passport bio page
- Emirates ID
- Patunay ng overseas employment
- Patunay ng work disruption
Binigyang-diin ng MWO Dubai na isang beses lamang dapat mag-apply ang bawat aplikante, dahil ang pagsusumite ng multiple applications ay magreresulta sa awtomatikong disqualification.
Makakatanggap ang mga kwalipikadong aplikante ng tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng USD $200 o katumbas na mahigit P12,000, na ipapadala sa pamamagitan ng remittance o kukunin sa mga sangay ng Al Ansari Exchange sa buong United Arab Emirates.
Ayon pa sa DMW, hindi na maaaring mag-apply sa susunod na batch ang mga OFW na nakatanggap na ng kaparehong tulong kaugnay ng krisis sa Middle East.
















