-- Advertisements --

Inihayag ni Atty. Paolo Panelo, legal spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na nakatanggap ang Bise Presidente ng mensahe ng paghingi ng tulong at pagsagip mula sa account ng isang dating household staff member bandang alas-11:19 ng gabi nitong Nobyembre 16, 2026.

Batay sa salaysay ni Panelo, nakasaad sa mensahe na nasa kustodiya o kontrol umano ng ilang indibidwal sa Maynila ang naturang dating tauhan matapos sabihang may banta sa kaniyang buhay, at pinipilit umano itong lumagda sa isang dokumentong tinanggihan nitong pirmahan.

Ikinumpara ng legal spokesperson ang insidente sa nangyari kay Jefry Tupas noong Setyembre 29, 2026, kung saan sinabihan din umano ito ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na may banta sa kaniyang buhay at tinangkang dalhin sa Maynila.

“What makes this incident particularly concerning is its striking similarity to what happened to Jefry Tupas, who was previously told by agents of the National Bureau of Investigation on September 29, 2026, that there were threats to his life and was subsequently subjected to an attempt to bring him to Manila,” pahayag ng abogado.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Panelo na hindi pa batid ang kinaroroonan at hindi pa nakukumpirma ang kalagayan ng nasabing dating household staff member.

Nagpahayag ng pagkabahala ang kampo ni Duterte na ang insidente ay bahagi umano ng kampanya ng administrasyong Marcos na gamitin ang mga institusyon ng estado gaya ng NBI upang manggipit at mamilit ng mga indibidwal na maging huwad na testigo laban sa Bise Presidente.

Nanawagan si Panelo sa publiko, media, at mga kinauukulang institusyon na bigyang-pansin ang umano’y paggamit sa mga ahensya ng pamahalaan para sa politikal na layunin, kasabay ng giit na dapat agarang tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng nasabing dating tauhan.

“We hope to bring this to the attention of the public, the media, and individuals and institutions concerned over the unremitting efforts of the government to harass, threaten, and coerce individuals into becoming false witnesses in support of trumped-up charges against VP Sara Duterte, weaponize state agencies, and undermine the rule of law for political ends,” wika ni Panelo.