Nasabat ng Bureau of Customs o BOC ang mahigit anim na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit P40 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Nobyembre 16, 2026.
Arestado ang isang dayuhang pasahero na dumating mula Vietnam matapos madiskubre sa kaniyang checked-in luggage ang 36 na pakete ng hinihinalang ilegal na droga na nakabalot sa foil at itinago sa kaniyang mga personal na gamit.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, katuwang ang BOC at iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang operasyon.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon sa BOC, patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga paliparan upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa.















