-- Advertisements --

Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si United States President Donald Trump sa Nobyembre upang dumalo sa ika-49 na ASEAN Summit na gaganapin sa Metro Manila, ayon sa Malacañang. Kinumpirma ito ng Palasyo noong Oktubre 14, 2026.

Inaasahang dadalo sa naturang pagtitipon ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at iba pang mga katuwang na bansa upang talakayin ang mga usaping panrehiyon at palakasin ang ugnayang diplomatiko.

Samantala, wala pang inilalabas na kumpletong detalye ang Malacañang hinggil sa magiging iskedyul ng pagbisita ni Trump, kabilang ang mga posibleng talakayan kaugnay ng Pax Silica.

Inaasahan ding dadalo sa mga kaugnay na pagpupulong ang iba pang mga lider ng mga bansang katuwang ng ASEAN, kabilang si Indian Prime Minister Narendra Modi.

Matatandaang huling bumisita si Trump sa Pilipinas noong Nobyembre 2017, sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, upang dumalo sa ika-31 ASEAN Summit.

Bilang punong-abala sa ika-49 ASEAN Summit ngayong taon, nagdeklara ang pamahalaan ng tatlong araw na special non-working days sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2026. Layunin nitong makatulong sa pamamahala ng daloy ng trapiko at sa paghahanda ng seguridad para sa mga dadalong lider at delegado.