-- Advertisements --

Kabilang si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa 13 mambabatas ng House of Representatives na hindi bumoto pabor sa pagpasa ng panukalang House General Appropriations Bill P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.

Ayon kay Diokno, dapat bigyang-priyoridad ng pamahalaan ang edukasyon, kalusugan, at mga pangunahing serbisyong panlipunan sa halip na maglaan ng daan-daang bilyong piso sa mga proyektong pang-imprastraktura na kulang sa pagsusuri at mga pondong maaaring gamitin sa pamumulitika.

“The budget is a reflection of our values.” diin ni Diokno. Aniya, hindi dapat sabihin ng pamahalaan na walang sapat na pondo para sa mga paaralan ng mga bata at gamot ng mga pamilya habang may malaking halagang inilalaan sa mga proyektong hindi dumaan sa sapat na pagsusuri.

Hindi pa pinal ang panukalang badyet. Dadaan pa ito sa Bicameral Conference Committee o bicam, kung saan pag-iisahin ang mga bersiyon ng Kamara at Senado.

Binigyang-diin din ni Diokno ang pangangailangan ng bukas at malinaw na proseso sa bicam. Noong nakaraang taon, naghain siya ng resolusyon upang isulong ang transparency at pananagutan sa pagtalakay at pag-apruba ng pambansang badyet.