Kinumpirma ni dating Department of Finance (DOF) Undersecretary Cielo Magno ang kaniyang planong tumakbo sa pagka-senador sa 2028 national elections.
Sa isang forum kasama ang Filipino community sa Milan, Italy, inihayag ni Magno ang kaniyang planong pagtakbo at ang mga programang nais niyang isulong sakaling mahalal sa Senado.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang bantayan ang alokasyon ng pambansang budget, lalo na ang pondong nakalaan sa healthcare upang matiyak na natatanggap ng mga Pilipino ang serbisyong medikal na nararapat sa kanila.
Nagpahayag din si Magno ng pangamba sa ilang bahagi ng panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, kabilang ang umano’y pagbawas sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at pagtaas ng alokasyon para sa Local Government Support Fund (LGSF).
Nagsilbi si Magno bilang DOF undersecretary para sa Fiscal Policy and Monitoring Group mula Agosto 2022 hanggang Setyembre 2023. Natapos ang kaniyang panunungkulan matapos siyang magpahayag ng pagtutol sa rice price cap policy ng administrasyong Marcos.
Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa University of the Philippines School of Economics.










