-- Advertisements --

Nangangamba si Senador Sherwin Gatchalian hinggil sa nalalapit na pagtaas ng singil sa kuryente, na inaasahang magpapabigat pa sa mga mamimiling kasalukuyan nang nahihirapan sa paglobo ng inflation.

Binigyang-diin niya na ang posibleng pagtaas na ito ay lalong magpapalala sa pinansyal na pasanin ng mga sambahayan, lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Ayon sa Meralco, aabot sa 15.0615 kada kilowatt per hour ang singil sa kuryente ngayong Oktubre, kung saan mas mataas ito ng P0.3191 kada kWh kumpara ito sa P14.7424 noong Setyembre. Ayon pa sa kumpanya dulot ito ng mataas na presyo ng gasolina at iba pang fuel.

Samantala, naitala ng Philippine Statistics Authority ang 7.2 porsiyentong inflation noong Setyembre, ang pinakamataas na antas ngayong taon.

Binanggit din ng senador na pangalawa sa pinakamataas sa Southeast Asia ang presyo ng kuryente sa Pilipinas, kasunod ng Singapore.

Ipinunto rin niya ang mataas na singil sa kuryente sa Visayas at Mindanao sa kabila ng madalas na yellow at red alert sa mga power grid. Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga dahilan ang hindi maayos na paggana ng mga transmission line sa pagitan ng mga rehiyon.