Nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng mas mataas na sahod at mas malawak na suporta para sa mga guro bilang paggunita sa World Teachers’ Day.
Ayon kay Diokno, mahalaga ang papel ng mga guro sa edukasyon at paghubog ng bansa, ngunit marami pa rin sa kanila ang nakararanas ng problemang pinansyal at kakulangan sa healthcare.
Aniya, hindi makakamit ang de-kalidad na edukasyon kung nahihirapan mismo ang mga guro na tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Itinutulak ni Diokno ang House Bill No. 7649 o “Dagdag Sahod for Public Basic Education Teachers and Employees Act,” na naglalayong magdagdag ng P15,000 sa basic monthly salary ng mga guro at non-teaching personnel sa pampublikong basic education.
Ipatutupad ang dagdag-sahod sa loob ng tatlong taon, na P6,000 sa unang taon, P5,000 sa ikalawa, at P4,000 sa ikatlong taon.
Isinusulong din ni Diokno ang House Bill No. 7648 o “Healthy Buhay at Hanapbuhay para sa Guro Act,” na magbibigay ng mas malawak na hospital, healthcare at wellness benefits sa mga guro at kanilang dependents.
Kabilang dito ang pagtatatag ng teachers’ health centers at specialty wards sa mga DOH-retained hospital, gayundin ang libreng healthcare services sa mga pampublikong pasilidad.
Kasama ni Diokno sa paghahain ng dalawang panukala sina Akbayan Reps. Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Nananatiling nakabinbin sa committee level ang dalawang panukala.
















