-- Advertisements --

Pinuri ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga gurong Pilipino bilang “haligi ng lipunan” at muling iginiit ang suporta ng pamahalaan sa pagpapabilis ng pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon.

Ipinahayag ito ni Dy bilang panauhing pandangal sa ika-21 anibersaryo ng Schools Division Office ng Cauayan City noong Marso 13, kung saan nagpasalamat siya sa mga guro sa kanilang mahalagang papel sa paghubog ng kabataan.

Binigyang-diin din ni Speaker Dy na responsibilidad ng lahat ng guro, magulang at mamamayan ang pagtiyak sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Ayon kay Dy, pinagtitibay ng pamahalaan ang koordinasyon ng national government at mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa tulong ng Department of Education.

Kaugnay nito, inaprubahan kamakailan ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukalang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) na layong pabilisin ang pagtatayo, pagkukumpuni at pagpapabuti ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa bansa. 

Layunin nitong pagsamahin ang pondo at suporta ng pamahalaan, LGUs at pribadong sektor upang matugunan ang kakulangan sa mga classroom.