-- Advertisements --

Ipinatupad ng Department of Education ang bagong promosyon para sa mga guro sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System.

Ito ay bilang pagtalima sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagtibayin at palakasin ang propesyon ng pagtuturo sa bansa.

Ang pangunahing layunin ng ECP System ay magbigay ng isang malinaw, patas, at makatarungang sistema ng promosyon para sa mga guro, na nakabatay sa kanilang mga kasanayan at kakayahan.

Sa pamamagitan ng DepEd Order No. 024, series of 2025, pinalawak ang mga posisyon para sa mga guro, kung saan dinagdagan ang mga antas mula sa Teacher IV hanggang sa Teacher VII, at maging ang Master Teacher V.

Ang pagpapalawak na ito ay naglalayong magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga guro na umangat sa kanilang karera.

Bukod pa rito, ang ECP System ay nagtatampok ng dalawang natatanging career tracks o landas na maaaring tahakin ng mga guro: ang Classroom Teaching track, na nakatuon sa pagpapahusay ng kasanayan sa pagtuturo sa loob ng silid-aralan, at ang School Administration track, na naglalayong ihanda ang mga guro para sa mga posisyon sa pamamahala at pangangasiwa sa mga paaralan.

Sa ilalim ng bagong sistema, isang mahalagang pagbabago ang ipinatutupad kung saan ang mga guro ay maaaring ma-promote sa pamamagitan ng reclassification, kahit na walang bakanteng posisyon na available.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang paglulunsad ng ECP System ay isang mahalagang hakbang upang tugunan ang matagal nang hinaing ng mga guro hinggil sa limitadong oportunidad para sa kanilang pag-unlad sa propesyon.

Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng ECP System, isasagawa ang isang tatlong taong transition period, na magsisimula sa February 25, 2025, at magtatapos sa February 24, 2028.

Sa loob ng panahong ito, bibigyan ng sapat na panahon ang mga guro at mga paaralan upang umangkop sa mga bagong alituntunin at pamamaraan ng sistema.