-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Vice President Sara Duterte sa mga pamilya ng biktima ng MV Trisha Kerstin 3 na lumubog noong Lunes, Enero 26, sa Basilan, na ikinamatay ng hindi bababa sa 18 katao habang 10 ang nawawala pa sa 340 na pasahero.

“Kami sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay lubos na nakikiramay sa mga pamilya at naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa insidenteng ito,” ani Duterte.

Hinihikayat din ni VP Sara ang kaligtasan ng mga pasahero at ng mga rescuers na kasalukuyang nagsasagawa ng search and rescue operations, at nagbigay siya ng paalala sa mga pasahero, kabilang ang pagsusuot ng life jacket, pagsunod sa kapasidad ng bangka, at pag-iwas sa paglayag kapag nararanasan ang masamang panahon.

“Huwag maglayag kapag masama ang panahon o may babala ng bagyo, sundin ang mga patakaran at instruksyon ng kapitan at crew, [at] iwasan ang paglalakad o pagtayo sa gilid ng bangka, lalo na kung maalon,” dagdag pa ng ikalawang Pangulo.

Samantala sinabi naman ng Maritime Industry Authority na nagpadala na sila ng imbestigasyon upang tukuyin ang sanhi ng aksidente. Iniutos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng tulong para sa mga biktima.