Nanawagan si Bureau of Fire Protection (BFP) Officer-in-Charge Fire Chief Superintendent (FCSUPT) Wilberto Rico Neil A. Kwan Tiu sa publiko na huwag maliitin ang mga fire trike sa Nueva Ecija na kamakailan ay naging paksa ng pambabatikos online.
Aniya, ang mga naturang fire trike ay inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan bilang suporta sa BFP at sa mga lokal na fire station na kasalukuyang nakararanas ng kakulangan sa mga firetruck.
Binigyang-diin ng opisyal na malaking tulong ang mga ito sa pagdaragdag ng responder assets hindi lamang para sa BFP, kundi pati na rin sa mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO).
Ipinaliwanag din nito na idinisenyo ang mas maliliit na fire trike upang mabilis na makapasok sa mga makikitid na eskinita at iba pang lugar na mahirap marating ng mga karaniwang firetruck.
Ayon pa kay Kwan Tiu, hindi dapat husgahan ang mga ito dahil lamang sa maliit na sukat at limitadong kapasidad ng tubig, dahil sa panahon ng sunog ay hindi lamang ang laki ng truck ang batayan ng epektibong pagresponde.
Inihayag ng opisyal na sa mga fire operation, ang pinakamahalagang estratehiya ay ang mabilis na pagpapasok ng cooling effect sa nasusunog na pasilidad upang agad mapigilan ang pagkalat ng apoy.
















