Pinalalawak ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education in the Philippines (CHED) ang suporta sa mental health ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship grants sa mga guidance counselor at guidance associate sa mga paaralan sa bansa.
Ito ay kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga hakbang na ito ang LINGAP o Learning Initiatives for Nurturing Guidance Associates and Counselors ng Commission on Higher Education o CHED.
Sa ilalim ng programa, nasa 800 scholarship grants ang nakalaang ibigay sa mga guidance counselor at guidance associate sa buong bansa. Hindi bababa sa 200 scholars na ang kasalukuyang kabilang sa programa.
Hinikayat ni Angara ang buong komunidad, kabilang ang mga magulang, na makiisa sa paggabay sa mga bata upang maprotektahan ang mga ito laban sa masasamang impluwensiya, lalo na sa kanilang mga aktibidad online.
















