Inaasahang ilalahad ng house prosecution panel sa impeachment trial sa susunod na linggo ang mga bank, insurance, AMLC at tax records na may kaugnayan kina Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay House prosecutor representative Terry Ridon, unang haharap si AMLC executive director Ronel Buenaventura para talakayin ang financial transactions ng mag-asawa at ng kanilang mga kumpanya.
Susundan ito ng mga kinatawan ng mga bangko at insurance firms na may accounts umano ang mag-asawa.
Haharap din ang kinatawan ng Bureau of Internal Revenue para ilahad ang tax records at income net of taxes nina Duterte at Carpio.
Nauna nang iniulat ng AMLC sa house impeachment proceedings ang tinatayang P6.7 bilyong covered at suspicious transactions na iniugnay sa mag-asawa mula 2006 hanggang 2025.
Tinatayang P3.77 bilyon dito ang naiugnay kay Duterte at P2.99 bilyon kay Carpio.
Binigyang-diin ni Ridon na ang P6.7 bilyon ay aggregate value lamang ng mga transaksyong naitala sa loob ng ilang taon at Hindi nangangahulugang hawak ng mag-asawa ang buong halaga sa kanilang accounts.
Nakatakda ang whole-day hearings ng impeachment court mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa susunod na linggo
















