-- Advertisements --

Muling nagtipon ang ilang taga-suporta ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court ngayong biyernes ng umaga, upang iparamdam at ipakita ang kanilang suporta sa pangalawang pangulo sa gitna ng kinakaharap nitong kasong grave threats.

Bitbit ng ilan sa mga dumalo ang larawan ng bise presidente, bilang pagpapahayag ng kanilang pagsuporta sa araw ng nakatakda sanang arraignment, o pormal na pagbasa ng sakdal laban sa bise. 

Kaugnay nito, nasa isang daang kapulisan naman ang na-deploy sa paligid ng korte, upang tiyakin ang seguridad at mapanatili ang kaayusan sa lugar sa gitna ng nakatakdang pagharap ng pangalawang pangulo.

Gayunman, hindi kasingdami ng mga tagasuportang dumagsa ngayong araw ang bilang ng mga dumalo, kumpara sa unang pagharap ng bise presidente noong ika-labing-isa ng Setyembre, kung saan mas marami ang nagtungo sa korte, upang ipakita ang kanilang suporta.  

Samantala, muling ipinagpaliban nga ang arraignment ng pangalawang pangulo. At Sa ngayon, wala pang inilalabas na tiyak na petsa kung kailan ito muling isasagawa, ayon sa impormasyong ibinahagi ng kanyang abogado.