Nanindigan si British Chamber of Commerce of the Philippines (BCCP) Executive Vice Chair Chris Nelson sa kanyang posisyon na nararapat lamang na gamitin ng Pilipinas ang pagkakataong ito, bilang chair ng ASEAN , upang mas lalo pang patatagin at palakasin ang economic integration sa buong rehiyon ng ASEAN.
Ayon kay Nelson, ang pagiging chairman ng ASEAN ay isang mahalagang pagkakataon para sa Pilipinas.
Ayon sa kanya, ang nasabing posisyon ay mabisang magagamit upang isulong ang liberalisasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang reporma na makakatulong sa ekonomiya.
Binigyang-diin pa ni Nelson ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at alerto ng pandaigdigang merkado, partikular na sa mga isyu at pahayag patungkol sa taripa laban sa ilang partikular na bansa.
Aniya, ang mga ganitong uri ng polisiya ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa merkado at sa ekonomiya ng iba’t ibang bansa.
Idinagdag pa niya na ang Pilipinas, bilang kasalukuyang ASEAN Chair, ay mayroong mahalagang papel na dapat gampanan sa pagpapalawak ng kalakalan at aktibong pagsusulong ng kaunlarang pang-ekonomiya sa buong rehiyon.
Sa kanyang pahayag, espesyal na binigyang-diin ni Nelson ang kahalagahan ng digitalization na aniya ang paggamit ng teknolohiya at digitalization ay isang mahalagang hakbang upang mas mapabuti pa ang kalakalan at ang daloy ng negosyo sa loob ng rehiyon ng ASEAN. (report by Bombo Jai)















