Isinagawa ang send-off ceremony ng ASEAN Summit 2026 Security Task Group–Central Visayas na mangangasiwa sa pagbabantay at pagsisiguro ng seguridad sa nalalapit na ASEAN Summit 2026 na gaganapin sa Cebu City.
Pinangunahan ang seremonya ni Police Brigadier General Redrico Maranan, Regional Director ng Police Regional Office-7, na siyang itinalagang mamahala sa seguridad ng lahat ng venues at ng mga delegadong lalahok sa ASEAN Summit at ASEAN Tourism Forum.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu, sinabi ni PBGEN Maranan na mahigit 5,000 security personnel ang ide-deploy sa iba’t ibang bahagi ng Metro Cebu. Binubuo ito ng mga tauhan mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, mga traffic enforcer ng iba’t ibang LGU, pati na rin ng mga ahensiya para sa disaster response at health services.
Ayon pa kay Maranan, bagama’t ang lalawigan ng Bohol ang naunang naging venue ng ilang aktibidad ng ASEAN Summit, wala umanong naitalang anumang insidente roon. Gayunman, nananatiling mahigpit ang pagbabantay upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan hanggang sa matapos ang buong aktibidad.
Naglabas din ng direktiba ang PRO-7 sa mga lokal na pamahalaan ng Cebu City, Mandaue City, at Lapu-Lapu City na paigtingin ang mga hakbang sa seguridad, lalo na’t inaasahang darating na sa Lunes ang ilang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa.
Sa kabuuang bilang ng mga ide-deploy na personnel, 150 ang mula sa AFP, 60 sa BJMP, 60 sa BFP, 100 sa Philippine Coast Guard, 450 mula sa DRRMO sa ilalim ng Office of the Civil Defense, at 100 mula sa Department of Health.
Nilinaw rin ni PBGEN Maranan na walang ipatutupad na road closure sa panahon ng ASEAN Summit, subalit magkakaroon ng stop-and-go traffic scheme upang bigyang-prayoridad ang pagdaan ng mga VIP convoy.
















