Pormal na inilatag ng Pilipinas ang RISE Agenda upang balangkasin ang mas matibay na proteksyon at disaster response para sa 11 bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa katatapos lamang na 35th ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council Meeting.
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na tumatayong Chair ng nasabing council, ang pagsusulong ng inisyatibo.
Nakatutok ang agenda sa family resiliency,youth empowerment, at inclusive development na direktang tutugon sa pangangailangan ng mga vulnerable sectors sa rehiyon.
Kabilang sa mga partikular na hakbang ang pagpapabuti ng alternative child care policies, pagsulong sa active ageing katuwang ang pribadong sektor, at ang responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) ng mga kabataan.
Kasabay nito, itinulak din ng delegasyon ng bansa ang MANILA-ASPECT Framework.
Layon nitong palakasin ang regional interoperability upang matiyak ang mabilis, people-oriented, at rights-based disaster response sa gitna ng mga hamon sa environmental sustainability at food security.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, nanawagan ang Pilipinas ng mas malalim at bukas na kooperasyon sa hanay ng mga kasaping bansa.
















