Wala na umanong plano pa si dating Sen. Antonio Trillanes IV na dumalo pa sa impeachmant trial.
Ito ay kasunod ng kaniyang pag-atras bilang testigo ng House Prosecution panel upang maging witness sana sa umano’y hindi maipaliwanag o nakatagong kayaman ni VP Sara Duterte.
Sa isang panayam, natanong ang dating senador kung may plano pa siyang dadalo sa trial, kasama ang House panel na kaniyang dating sinasamahan.
Sa kasalukuyan aniya, wala na siyang planong dumalo dahil mistulang lumalabas na ipinagpipilitan niya ang kaniyang sarili sa umuusad na paglilitis.
Batid na rin aniya ng Defense team ang kaniyang iprepresenta kasunod ng kaniyang naging press conference nitong nakalipas na araw, at tiyak na gagawin na ng naturang panel ang lahat ng makakaya upang ‘gibain’ ang kaniyang magiging testimoniya, sakaling dadalo man siya muli bilang testigo.
Sa ngayon, tanging hiling lamang ng senador ay ang mabantayan ng publiko ang direksyon ng trial sa ilalim ng pamumuno ni Senator-judge Chiz Escudero bilang presiding officer.
Kung babalikan, dati nang humarap si Sen. Trillanes sa House Justice Committee noong mga panahong tinatalakay ng komite ang ‘sufficiency in grounds’ ng impeachment complaint laban kay VP Sara.
















