-- Advertisements --

Nakatutok na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 189,000 pamilyang apektado ng El Niño.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, patuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga komunidad na tinatamaan ng matinding tagtuyot.

Kabilang dito ang mga family food packs, water containers at mga non-food items.

Nasa 68,905 benepisyaryo na rin ang nakatanggap ng Emergency Cash Transfer (ECT) bilang ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng El Niño.

Patuloy naman ang payout sa Region II, partikular sa Isabela, kung saan naglaan ang DSWD ng karagdagang pondo para sa Emergency Cash Transfer (ECT).

Nagde-deploy din ang ahensya ng water tankers at water treatment units sa mga lugar na nakararanas ng kakulangan sa tubig.

Samantala, naghahanda rin ang ahensya sa posibleng paglala ng El Niño sa mga susunod na buwan, kabilang ang banta ng water shortage, food insecurity at matinding init.

May ilang proyekto ang ahensya na nakatuon sa pagpapalakas ng suplay ng tubig at pagkain sa mga vulnerable na komunidad.

Sinusubukan din ng kagawaran ang mga teknolohiyang maaaring makatulong sa water shortage, gaya ng Atmospheric Water Generator na kumukuha ng moisture mula sa hangin at ginagawang maiinom na tubig.

Bukod dito, pinatitiyak ng ahensya na hindi masisira ang mga nakaimbak na family food packs sa pamamagitan ng temperature monitoring at paggamit ng industrial ceiling fans sa mga warehouse.

Sa kabuuan, umabot na sa Php 714M ang humanitarian assistance ng DSWD para sa El Niño response.