Magbibigay ng suporta ang Department of Migrant Workers (DMW) sa dating overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso, kabilang ang psychological at livelihood assistance, matapos ipagkaloob sa kanya ng Malacañang ang absolute pardon.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing, bahagi ng ongoing intervention ng DMW ang pagbibigay ng psychosocial counseling, livelihood starter kits, kapital para sa pagnenegosyo, at skills training.
“Tiniyak ng ahensya na patuloy ang mga hakbang nito upang masiguro ang maayos na reintegration ni Mary Jane at ng kanyang pamilya sa panibagong yugto ng kanilang buhay,” dagdag pa ni Undersecretary Claire Castro.
Samantala, ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang ₱30,000 cash assistance kay Veloso. Nakakuha rin ng ₱10,000 ang kanyang mga magulang, habang ₱30,000 naman ang ipinagkaloob para sa kanyang mga anak.
Mainit namang sinalubong si Veloso ng kanyang mga kaanak at malalapit na kaibigan sa kanyang pagbabalik sa Barangay Burol, makalipas ang 16 na taon.
Matatandaang hinatulan ng District Court of Justice of Sleman sa Yogyakarta, Indonesia, si Veloso ng parusang kamatayan noong Oktubre 11, 2010. Agad namang umapela ang noo’y Pangulong Benigno Aquino III para sa kanya.
Iginiit ni Veloso na siya ay inosente at hindi niya alam na ginamit siya bilang tagapagdala ng ilegal na droga.
















