Pinapalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paghahanda nito sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang pagtiyak na ligtas at maayos ang kalidad ng mga family food packs na nakaimbak sa mga warehouse sa buong bansa.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, may sinusunod na mga parameter ang ahensya upang mapanatiling ligtas ang mga relief goods at maiwasan ang pagkasira o pagkapanis ng mga ito dahil sa mataas na temperatura.
Kabilang sa mga hakbang ang regular na monitoring ng temperatura sa mga warehouse at pagtiyak na maayos ang kondisyon ng mga lugar na pinag-iimbakan ng food packs.
Nag-i-install din ang ahensya ng mga industrial ceiling fan upang makatulong sa pagpapababa at pagkontrol sa temperatura sa loob ng mga warehouse.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga local government unit o LGU upang maglaan ng mga heat-insulated areas sa evacuation centers.
Layunin nitong maprotektahan ang mga internally displaced persons (IDPs) laban sa matinding init, lalo na kung magkakaroon ng paglikas dahil sa mga sakuna habang umiiral ang mataas na heat index.
Inihahanda rin ng ahensya ang mga kagamitan para sa suplay ng ligtas na tubig, kabilang ang patuloy na deployment ng water filtration trucks at iba pang teknolohiya sa mga lugar na posibleng makaranas ng epekto ng El Niño.
Ayon sa DSWD, nakahanda rin ang mga trained personnel at augmentation support na maaaring i-deploy depende sa pangangailangan ng mga apektadong lugar.
Sinabi ng DSWD na bahagi ito ng paghahanda ng ahensya upang matiyak na nananatiling maayos ang mga relief supplies at may sapat na suporta ang mga komunidad bago pa lumala ang epekto ng matinding init at iba pang sakuna.
















