Pumasok na sa “third stage” ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte matapos atasan ng House Committee on Justice ang bise presidente na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw na hindi na maaaring palawigin.
Ayon kay Batangas City Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chair ng komite, naipadala na ang abiso kay Duterte matapos mapag-alamang sapat sa porma at substansiya ang dalawang impeachment complaint laban sa kanya.
Ipinaliwanag ni Luistro na sa yugtong ito ay magsusumite na ang magkabilang panig ng mga sagot at ebidensiya, na tinatawag na “responsive pleadings,” kung saan nagsasagutan na ang mga partido sa pamamagitan ng mga dokumento.
Samantala, nilinaw ng mambabatas na may 60 session days ang komite upang isumite ang kanilang ulat sa plenaryo ng Kamara.
Aniya, ang 10 araw na palugit para sa pagsusumite ng sagot ay nakabatay sa calendar days, habang ang iba pang proseso ng komite ay nakabatay sa session days ng Kongreso.
















