-- Advertisements --

Hihilingin ng Office of the Ombudsman sa House Prosecution Team ang mga ebidensyang iprenesenta sa Senate Impeachment Court ukol sa isyu ng ‘confidential funds’ ni Vice President Sara Duterte. 

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kanilang hihilingin sa prosekusyon na mai-turn over ang mga ito sa Tanodbayan. 

Kaya’t ipinasusumite sa kanila ang mga ebidensyang may kinalaman sa kontrobersyal na paggasta ng ‘confidential funds’ sa Office of the Vice President at Department of Education. 

Ang naturang paghiling ng Ombudsman ay kasunod nang iurong ng prosekusyon ang ilang mga kaso kontra sa bise presidente na tinalakay sa ‘impeachment trial’ ng Senado. 

Sa kasalukuyan, ibinahagi ni Ombudsman Remulla na kanila nang sinusuri ang mga nakolektang rekords upang madetermina ang paghahain ng kaso kung kinakailangan. 

Dahil ang mga testigo ay naiharap na sa Senado, naniniwala si Ombudsman Boying Remulla na posibleng nitong mapabilis ang pagresolba nila sa ginagawang ebalwasyon. 

Lagi naman aniya nila hindi pinatatagal ang trabaho ngunit titiyakin lamang na tatayo ang kaso sa korte sakaling maghain man. 

Binigyang diin naman ni Ombudsman Remulla na pare-pareho lamang ang kanyang pagturing sa mga alegasyon kinakaharap ng bise presidente. 

Kaya’t uusigin at susuriin nila ang mga ito ng maigi upang madetermina ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa oras maihanda na.