Pormal nang inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang lahat ng police commanders sa bansa na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang tiyakin ang seguridad sa papalapit na pamamahagi ng fuel subsidy.
Ibinaba ng hepe ng pambansang pulisya ang direktiba matapos ianunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules na sisimulan na sa susunod na linggo ang pamimigay ng P5,000 na tulong pinansyal.
Unang makakatanggap nito ang mga tricycle drivers sa Metro Manila, na susundan naman ng iba pang public utility vehicle (PUV) drivers at operators pababa sa mga probinsya.
Bagama’t karaniwang idinadaan sa fuel subsidy cards ang sistema ng pamamahagi, ipinaliwanag ni Nartatez na may mga pagkakataong mano-mano ang payout lalo na sa mga lalawigan kaya labis na kinakailangan ang presensya at pagbabantay ng kapulisan.
Inaasahang libu-libong tsuper ang makikinabang sa nasabing cash assistance.
Ipinatupad ang hakbang na ito ng pamahalaan bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na epekto ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.
















