Opisyal nang nag-convene ang 35th ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council ngayong Huwebes, Marso 5 dito sa Peninsula Manila, Makati City.
Pinangunahan ni ASEAN Socio-Cultural Community Council (ASCC) chair at DSWD Sec. Rex Gatchalian ang pagbubukas ng konseho.
Dinaluhan ito ng Foreign ministers mula sa 10 member States ng ASEAN mula Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at ang pinakabagong miyembro ng organisasyon, ang Timor-Leste.
Sa kaniyang opening speech, binigyang diin ni Sec. Gatchalian na ngayong taon nakapokus ang konseho sa ASEAN framework na RISE, na binubuo ng apat na strategic priorities. Una, ang resilient and empowered families, kung saan isinusulong din ang pagkakaroon ng Childcare policies para matiyak na lumaki ang mga bata sa ligtas, norturing at supportive environment.
Iniulat ng ASEAN Council Chair, na dito pa lamang sa Pilipinas mahigit 4,000 bata ang nag-aantay na magkaroon ng kanilang maituturing na pamilya at habambuhay na tirahan o mga nananatili sa residential care facilities ng gobyerno.
Sa pagitan ng 2023 at 2025, ang mga batang ito ay karamihan victims survivor ng pang-aabuso, pinabayaan o inabandona at biktima ng exploitation. Kaugnay nito, target ng konseho na palakasin pa ang adoption sa alternative childcare system upang wala ng bata ang lalaki na walang pagaaruga at seguridad ng pamilya.
Ikalawa sa strategic priorities, ang Inclusive development, isang people-centered na nakatuon sa pagtugon sa pangangailangan ng vulnerable sectors, partikular na ang tumatandang populasyon sa rehiyon.
Ayon Kay Sec. Gatchalian, noong 2023, tinatayang 55 million populasyon sa Asya ang tumuntong sa edad 65 anyos pataas na inaasahang lolobo pa sa darating na mga taon. Ipinunto ni Sec. Gatchalian na isang mahalagang framework sa silver economy ang aging society.
Ikatlo sa strategic priorities ang smart youth and innovation. Dito, binigyang diin ni Sec. Gatchalian ang papel ng ASEAN sa pagtiyak ng responsableng paggamit ng artificial intelligence at iba pang sumisibol na teknolohiya.
Panghuli, ang environmentally sustainable and food secure future. Ayon Kay Gatchalian nananatiling bulnerable ang Southeast Asia sa climate change at mga kalamidad na nakakaapekto sa ASEAN member states.
Kaugnay nito, isinusulong ng Pilipinas ang Manila-ASEAN Strategic Protocol para palakasin pa ang disaster response ng ASEAN at pahusayin pa ang regional coordination.
Sa huli, hinimok ni ASCC 2026 Chair Rex Gatchalian ang ASEAN ministers na maging bukas at magkaisa para makapaghatid ng makabuluhang resulta.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang closed door meeting ng 35th ASEAN Socio-Cultural Community Council, kung saan inaasahang ia-adopt ng mga ministro ng ASEAN ang mga pangunahing balangkas (frameworks) at isasapinal ang mga prayoridad na patakarang panlipunan para sa mga mamamayan ng Timog-Silangang Asya.
















