KALIBO, Aklan — Umaabot sa nasa 1,900 security personnel ang idineploy para mangalaga sa nakatakdang mga ministerial meetings ngayong buwan ng Marso ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Isla ng Boracay na gaganapin mula Marso 5 – 6 at Marso 26 ng taong ito.
Ito ang kinumpirma ni P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO).
Sa naturang bilang, nasa 1,000 ang mga pulis na karamihan ay augmentation force mula sa iba’t-ibang municipal police stations sa Aklan at police provincial offices sa Western Visayas at ang natitira ay ibang contingent ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Tiniyak naman ng opisyal na handa ang kanilang hanay upang magiging maayos, mapayapa at mapangasiwaan ng mabuti ang mga aktibidad ng ASEAN sa isla.
Samantala, sinabi pa nito na mahigpit rin na babantayan ang venue ng mga event, mga VIPs at delegado.
Ang mga nagpapatrolyang pulis umano ay gagamit ng mga drones, body worn cameras habang ang mga patrol cars ay kakabitan ng mobile digital recording para sa real-time monitoring ng PNP Command Center (PCC) sa national headquarters.
Nabatid na ang ASEAN Senior-Level Committee on Financial Integration na pangungunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay gaganapin sa Marso 5 hanggang 6 habang sa Marso naman 26 ang 44th ASEAN Capital Markets Forum Chairs’ Meeting na pangungunahan naman ng Securities and Exchange Commission.
















