-- Advertisements --

Inilahad ni ASEAN Social-Cultural Community (ASCC) Council Chair at DSWD Sec. Rex Gatchalian ang ilan sa mahahalagang napagkasunduan ng konseho sa katatapos na 35th ASCC Council Meeting ngayong Huwebes, Marso 5.

Sa press briefing ngayong hapon, inihayag ni Sec. Gatchalian na isusulong ng konseho ang apat na thematic priorities na nakapokus sa mamamayan ng ASEAN, na kinakatawan ng ASEAN framework na RISE — resilient and empowered families, inclusive development, smart youth and innovation at environmentally sustainable and food secure future

Binigyang diin din ni Sec. Gatchalian ang isa sa pokus nilang inisiyatibo kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matugunan ang environmental threats na ating nararanasan. Ito ay sa pamamagitan ng ASEAN Strategic Protocol for Regency and comprehensive transformation o ASPECT.

Isa itong framework na naglalayong bumalangkas ng isang roadmap para sa regional interoperability at koordinasyon gayundin para sa napapanahon at epektibong access sa mga tulong bilang paghahanda at tugon sa mga kalamidad at malalang weather events.

Ang pahayag aniya ng Pangulo ang isa sa dalawang dokumento na kanilang iaadopt sa 48th ASEAN Summit.

Iginiit naman ni Sec. Gatchalian na hindi lamang masusukat ang kanilang pamumuno sa mga dokumentong kanilang iaadopt at pulong na isinagawa, dahil puspusan aniyang magtratrabaho ang Pilipinas sa pamamagitan ng DSWD bilang chair ng ASEAN Socio-Cultural Community Council kasama ang member States, dialogue partners, civil society at private sector para hubugin ang ASEAN, na hindi lamang handa para sa hinaharap kundi kumpiyasang pamumuan ito na ang sentro ay ang mga mamamayan.

Samantala, sa parehong press briefing natanong din natin si Sec. Gatchalian kung saklaw din ba ng inilatag na frameworks ng konseho ang pagtugon sa mga umuusbong na banta sa rehiyon tulad ng displacement at public health risks dulot ng tensiyon sa ibang rehiyon gaya ng kasalukuyang nangyayari sa Middle East.

Tugon ng kalihim na kabilang din sa napag-usapan sa pulong ng konseho kasama ang ibang Ministro ng ASEAN ang sitwasyon ngayon sa Gitnang Silangan.

Iginiit ni Gatchalian na hindi sila manhid at batid nila ang nangyayari doon. Aniya, itinuturing ang migrant workers bilang vulnerable sectors kayat pasok ito sa ilalim ng framework ng konseho sa ilalim ng Inclusive development.

Maliban dito, mayroon pa aniyang nakahanay na high-level meetings kung saan maaaring bumalangkas ng mga konkretong programa upang matulungan ang ating mga kababayan na nasa labas ng Southeast Asia.