Wala nang buhay nang madatnan sa kaniyang nirerentahang apartment ang 65 años na lalaking Amerikano sa Brgy. Washington, Surigao City nitong Sabado, Oktubre 10.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nag-check in sa nasabing apartment sa Mariposa Street, Purok Orchids noong Oktubre 5 ang biktima.
Ngunit nitong nagdaang Sabado, bago matuklasan ang bangkay ng biktima, isang caretaker ang nabulabog ng nakasusulasok na amoy na nagmumula sa ikalawang palapag ng nasabing apartment at nanggagaling sa unit ng biktima.
Gamit ang spare key ng caretaker, binuksan ang nasabing unit, kung saan tumambad ang bangkay ng biktima. Agad namang ipinagbigay alam ng caretaker sa may-ari ang natuklasan nito na siya namang tumawag sa pulis.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. May posibilidad din anila na cardiac arrest ang ikinasawi nito ngunit maaari ring may foul play na sangkot sa kaniyang pagkasawi.
Gayunman, hindi pa tiyak at tukoy ang dahilan ng pagkamatay nito habang patuloy na inaabangan ng mga awtoridad ang autopsy results.
Hindi isinapubliko ng Surigao City Police ang buong pagkakakilanlan ng biktima ngunit napag-alamang residente ng estado ng Florida sa United States ang lalaki.
Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang awtoridad sa US Embassy pati ang mga kaanak ng biktima.
















