Patay ang isang 63 anyos na Amerikanong turista matapos umano itong hampasin ng upuan dahil sa alitan sa isang bar sa Panglao, Bohol nitong Sabado ng gabi, Setyembre 27.
Ayon sa mga awtoridad, nanunuluyan ang biktimang si alyas “Williams” sa isang resort sa lugar kung saan nakasagutan nito ang 41 anyos na suspek sa isang bar malapit sa Alona Beach.
Parehas nakainom ang nasabing biktima at suspek batay sa pulisya, kaya’t nauwi sa matinding pisikalan ang alitan kung saan hinambalos umano ng suspek ang biktima gamit ang upuan at mawalan ito ng malay.
Agad na isinugod sa ospital sa Tagbilaran City ang biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival.
Inaresto naman ng pulisya ang suspect at isinailalim sa kustodiya ng Panglao Police Station.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at pakikipanayam ng lokal na pulisya sa mga saksi sa krimen.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima.
















