Patay matapos pagbabarilin ang nakaupong kapitan ng Brgy. Kansumandig, La Libertad sa Negros Oriental nang paulanan ito ng bala ng mga hindi pa nakikilalang lalaki nitong umaga ng Miyerkules, Setyembre 23.
Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi sana ang biktima sakay ang motorsiklo nito galing Brgy. Pacuan nang tambangan ito ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Mabilog.
Saksi rin ang ilang mga residente sa krimen nang makarinig ang mga ito ng ilang putok ng armas at nadatnan na lamang ang biktima na nakahandusay sa daan. Nakatakas na rin umano ang mga salarin sa pagpatay.
Narekober naman ng pulis sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng .45 na bala, apat na slugs, at isang cellphone.
Hindi pa rin tukoy ang motibo sa likod ng krimen gayundin ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa pagpatay.
Samantala, ipinagutos naman ni Negros Island Regional Director PBGen Rudecindo L. Reales ang isang komprehensibong imbestigasyon ng insidente na iniatas sa Special Investigation Task Group (SITG) at ang patuloy na paghahanap sa mga suspek sa pagpatay.
Nakikipagugnayan na rin ang pulisya sa Scene of the Crime Cooperatives (SOCO) team para makapanayam ang mga saksi sa krimen gayundin ang pagba-backtrack sa mga CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
















